Mommy's Diary

OFW, hindi sila bangko, hindi sana puro “bilmoko”

Sino dito ang may kamag-anak na OFW? Halos lahat tayo, meron. Nakakalungkot lang isipin na ang tingin natin sa mga ka-pamilya natin na OFW ay bangko. Madalas na naririnig nila, “Pautang naman”, “Pasalubong ko ah”, “Bili mo ko ng……..”, “Padalhan mo ko ng ganito”.

Sa totoo lang, hindi madali ang buhay nila sa ibang bansa. Mahirap ang trabaho nila, mag-isa sila, walang pamilyang kasama, na ho-homesick sila, pag may sakit sila, walang nagaalaga sa kanila.

Kung pamilyado ang OFW, mas mahirap para sa kanila dahil maraming bagay sa buhay ng mga anak nila ang hindi nila nasubaybayan – unang salita ng anak nila, unang lakad, unang araw sa eskwelahan, graduation, at madami pang iba.

Ang mga bagay o pera na ipinapadala ng OFW sa mga pamilya nila para masuportahan at mapasaya sila ay galing sa dugo’t pawis ng OFW. Lahat ng yun ay galing sa oras na sinakripisyo nila na hindi nila kasama ang pamilya nila, sa mga importanteng okasyon na wala sila, mga panahong di nila nasaksihan ang paglaki ng anak nila.

Ilang buwan o taon silang wala sa Pilipinas, at pag uwi nila, malaki na ang mga anak nila kumpara ng huling pagkakita nila sa personal. Iba na hitsura, lumaki ng ilang pulgada, iba na ang hilig, at maaring iba na rin ang ugali.

May kwento kong narinig noon, sabi ng isang tatay, “Hindi ako kilala ng anak ko bilang tatay, kilala lang niya ko na taga-bigay ng mga laruan sa kanya sa tuwing uuwi ako”. Ito na yata ang isa sa mga pinaka-masakit na narinig ko.

Iparamdam natin sa mga kamag-anak nating OFW na importante sila, na na-aappreciate nating lahat ng ginagawa nila. Imbis na sabihin na “Ito size ng paa ko”, o “Bilmoko”, sana ito na lang ang sabihin natin sa kanila, lalo na ngayon na madali na makipagusap sa pamamagitan ng video call o chat.

Leave a Response